by Prof. Loi Vincent C. Deriada
ILIGAN CITY – 4, 198 sa 17, 294 na SASE examinees, pinili bilang kanilang preferred program ang BS Nursing ng College of Health Sciences ng MSU-IIT.
Noong ika-25 ng Pebrero 2024 ginanap ang System Admission and Scholarship Examination (SASE) sa lahat ng Mindanao State University (MSU) Campus. Lumabas ang resulta ng eksaminasyon noong Ika-18 ng Hunyo 2024. Ayon sa inilabas na statistical summary ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVCAA) ng MSU-Main Campus , Marawi City, may bilang na 17, 294 na mga examinees ang pumili ng MSU-IIT bilang kanilang preferred campus. Ayon sa ipinaskil ni Prof. Alizidney M. Ditucalan, JD, LLM (Chancellor ng MSU-IIT) na statistical data ng mga Top preferred program sa MSU-IIT, nanguna ang programang BS Nursing ng College of Health Sciences. Ayon sa datos, mayroong 4,198 examinees ang pumili at naghahangad na makapasok sa nasabing programa.
Sa mga nakaraang mga taon, ang BS Nursing ng MSU-IIT ay nagpamalas ng kahusayan sa Philippine Nurses Licensure Examination (PNLE) na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission (PRC). Sa nakaraang PNLE na ginanap noong Nobyembre 2023, nakapagtamo ang CHS ng MSU-IIT ng 132 registered nurses at may overall performance sa nasyunal na 97.78% . Higit pa rito, sunod-sunod din ang pagkakaroon ng Topnotchers. Sa huling naitala, Nobyembre 2022 nanguna sa buong Pilipinas sina Angelou Joefred Congreso (Top 5), Karl Marlu Luza (Top 8) at Vanessa Jones Egao (Top 9). Ang ganitong uri ng tagumpay ay pagkilala rin sa kahusayan ng unibersidad at mag-aaral sa pagpapamalas ng husay at talino.
Sa naganap na interbyu sa dekano ng College of Health Sciences na si Prof. Abdullah Junior S. Mangarun, isinaad niyang ang isa sa mga mahusay na pagsasanay sa mga mag-aaral ng programa ay ang dedikasyon ng kaguruan at mga mag-aaral sa pagtuturo at pagkatuto. Isinaad ni Prof. Mangarun,
“We do not only support our students sa ilahang mga studies [sa kanilang pag-aaral], but we also support them emotionally specially during the review and during the final coaching and during the board exam, we make sure that we are visible. We visit them regularly, kasi during the time of board exam they are very vulnerable what they need is the physical presence [of the college and university as a whole]”. Naging punto ng dekano ang pagpapatatag ng support system alang-alang sa mga mag-aaral. Kaisa ang programa sa hangarin ng Unibersidad sa pagpapalakas ng ugnayan sa globalisasyon. Ayon sa naitalang alumni survey para sa mga nagtapos taong 2022, ang lahat ng mga alumni ay nakapagtrabaho na sa loob o labas man ng Pilipinas. Nangangahulugan na ang pagpapanitili ng kalidad at kahusayan ng kolehiyo at ng buong unibersidad ay nagpapatuloy upang magkaroon ng malawakang impluwensya sa hinaharap.
Hindi maikakailang, ang MSU-Iligan Institute of Technology sa kabuuan ay nagpo produce ng mga mahuhusay at de-kalibreng mga propesyunal sa buong mundo. Ang mantra nito na Influencing the Future ay pagbibigay katuwiran na ang tagumpay ng edukasyon ay nakasalalay sa pagbibigay impak nito sa komunidad. Kaisa ang Unibersidad sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon. Bilang isa sa nangungunang Unibersidad sa Mindanao at buong Pilipinas, hinahalaw nito ang kahusayan hindi lamang sa pagtuturo, ngunit maging sa pananaliksik at mga gawaing pang-komunidad. Isa lamang ang programang BS Nursing sa nagpapamalas ng kahusayan, ngunit sa loob ng MSU-IIT, ang lahat ng mga programang inaalok ay para sa pagpapatatag at pagpapanatili bilang isang world class university sa Mindanao at buong Pilipinas. – with reports from Prof Asa Madale