Puspusan ang paghahanda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023 na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Tampok din sa selebrasyon ang lingguhang tema na Pagkilala at Pagtaguyod sa Filipino Sign Language (FSL) bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas (1–5 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik, at Pagkakaisa (7–12 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas (14–19 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan (21–26 Agosto); at Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon (21–26 Agosto).
Ang mga layunin ng pagdiriwang ay ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041; maiangat ang kamalayan ng mga mámamayáng Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nitó; mahikayat ang iba’t ibang ahensiyang pampámahalaán at pampribado na makiisa sa mga programang tulad nitó na nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko; maganyak ang mga mámamayáng Pilipino na pahalagahan ang mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa; at maipakilala sa mga mámamayáng Pilipino ang KWF bílang ahensiya ng pámahalaán na nangangalaga sa mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nitó.
Itatampok ng KWF ang iba’t ibang gawaing pangwika sa buwan ng Agosto kabilang ang serye ng webinar, tertulyang pangwika mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa, mga timpalak, paglulunsad ng mga aklat, at Araw ng Parangal.
Maglalabas ang KWF ng mga patalastas sa opisyal na FB page ng ahensiya hinggil sa iba’t ibang gawaing pangwika na puwedeng daluhan at makibahagi ang bawat Pilipino. Para sa iba pang detalye at impormasyon hinggil sa selebrasyon ay maaaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) sa pamamagitan ng email sa [email protected]. (PR/KWF)