27.7 C
Cagayan de Oro
Thursday, August 18, 2022
spot_img
HomeFront PageBreaking NewsSen. Robin Padilla, Nanawagan ng Kapayapaan sa Paggunita ng 'Eid al Adha'

Sen. Robin Padilla, Nanawagan ng Kapayapaan sa Paggunita ng ‘Eid al Adha’

Wala nang lugar para sa karahasan ngayon. Sa halip ay dapat magkaisa ang mga Pilipino para sa kapayapaan. Ito ang naging mensahe ni Sen. Robin Padilla sa paggunita ng “Eid al Adha” nitong Sabado.

Ani Padilla – na ang pangalang Muslim ay Abdul Aziz – ang kapayapaan ay dapat para sa lahat, Muslim man o Kristyano, Hudyo o Lumad.

“Mga kapatid ko, wala na pong lugar ang karahasan. Wala na. Peace na po ngayon, kapayapaan na. Ito na po ang pagkakataon para suminag ang napakalaking liwanag sa bawa’t Piipino,” ani Padilla sa kanyang mensahe sa Quezon City Police District sa Kampo Karingal.

“Ipaalam natin sa lahat, sa mga Kristyano, sa mga Lumad, na ang Islam ay narito para bigyan ng solusyon ang inyong mga problema,” dagdag ng mambabatas.

Ani Padilla, responsibilidad ng lahat ng Pilipino na tuparin ang pangarap natin para sa kapayapaan.

Ipinaalala rin niya na dapat ipakita sa Muslim at hindi Muslim ang pagmamahal sa buhay. Idiniin din niya na ang aral ng Propetang Ibrahim ay walang extremism sa Islam.

“Hindi tayo kailanman dapat umabot sa punto na tayo ay kikitil ng buhay, maging pamilya man natin o hindi natin kilala, Muslim man o Krisyano o Hudyo o Lumad. Sapagka’t ang Islam ay pagmamahal sa kapwa, kapayapaan, pag-ibig,” ayon kay Padilla.

“Mga kababayan ko, ito po ang panahon na ako ay dinala nyo sa Senado para ipakita po sa tao, ipakita sa buong Pilipinas, ipakita sa buong Asya, na ang Muslim ang magdadala ng pag-asa sa Inang Bayang Pilipinas!” dagdag niya.

Samantala, isinulong ni Padilla ang pagbabalik ng pagtuturo ng Kasaysayan (history) sa high school.

Ikinalulungkot niya na nang ipinatupad ang K-12, tinanggal ang Philippine History sa curriculum.

“Kaya po nating isinulong ang panukalang yan para malaman ng ating kababayan na wala pa pong Espanyol dito sa Pilipinas, narito na po ang mga Muslim,” aniya.

“Kailanman, hindi po sumurrender ang ating mga kapatid na Moro. Sabi nga ni FPJ, dumating ang mga Kastila, nandito na kami. Dumating ang mga Amerikano nandito na kami. Dumating ang mga Hapon nandito na kami. Bumalik ang mga Amerikano nandito na kami. Kaya kahit kailan hindi mawawala ang ka-Musliman sa Pilipinas,” dagdag ng mambabatas.

*****

RELATED ARTICLES
- Advertisment -spot_imgspot_img

Most Popular

Recent Comments