Nakahanda na ang mga regional office ng Department of Labor and Employment (DOLE) para ipatupad ang P1-billion package ng ‘tabang’ o tertiary education assistance for dependents of COVID-affected overseas Filipino workers, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Hinikayat ni Bello ang mga OFW na mayroong anak o dependent na college student na mag-aplay sa programa na ginawa sa pagtutulungan ng DOLE at ng Commission on Higher Education.
Ang mga regional office (RO) ng DOLE ang siyang magpoproseso at sasala ng mga aplikasyon para sa programa upang maayos itong maipatupad kabilang ang paglalabas ng tulong pinansyal para sa mga benepisyaryo.
Ang programa ay isang beses na P30,000 tulong pinansyal para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
“Ang tulong ay first-come, first-serve basis kaya hinihikayat ang mga OFW na mag-aplay sa mga regional office ngayon pa lamang. Sila ang nakatalaga upang umasikaso ng pagbabayad, kabilang ang paglalabas ng tulong pinansyal para sa mga benepisyaryo,” wika ni Bello.
Saklaw ng tulong pinansyal ang gastusin para sa pampaaral tulad ng mga textbook o learning material, academic at extra-curricular expense, at stipend tulad ng board and lodging, clothing, transportation, health o medical needs, at mga school supplies.
Nagbibigay ang Tabang OFW ng tulong sa mga kasalukuyang naka-enroll na anak ng mga OFW na apektado ng pandemya at kinakailangang makapagbigay ng mga admission at retention requirement sa mga kolehiyo at unibersidad ng gobyerno o pribadong institusyon.
Dagdag pa rito ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay hindi dapat na-expel sa kanilang mga paaralan, hindi nakatanggap ng anumang scholarship grant mula sa anumang ahensya ng gobyerno, at sertipikado ng DOLE bilang mga dependent ng mga OFW na repatriated, o nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic, o namatay dahil sa COVID-19.
Ang mga benepisyaryo ay dapat na financially dependent sa mga OFW para sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo upang maging kuwalipikado sa programa batay sa joint memorandum circular na nilagdaan ni Bello at CHEd chair Prospero de Vera III noong nakaraang linggo.
Sa ilalim ng circular, ang DOLE ang kikilala sa mga OFW na mayroong mga dependent o nais mag-enroll sa pampubliko o pribadong higher education institution para sa academic year 2020-2021.
Ang na-repatriate o na-displace na OFW ay dapat na magtalaga ng isa sa kanyang dependent na magiging kabilang sa programa. Kung sumakabilang buhay na ang OFW, ang legal surviving spouse, parent, o next of kin ang siyang magtatalaga ng dependent.
Ang pondo para sa programa ay ililipat sa DOLE mula sa United Student Financial Assistance System for Tertiary Education ng CHEd. ###GSR/ Paul Ang