HomeFront PageBalitang Binisaya1 BIFF patay sa engkwentro sa Maguindanao

1 BIFF patay sa engkwentro sa Maguindanao

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao – Patay ang isang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa nangyaring engkwentro sa pagitan nila at ng tropa ng pamahalaan sa Brgy Damablac, Talayan, Maguindanao.

Sa ulat na nakarating sa pamunuan ni Colonel Oriel L Pangcog, Commander ng 601st Brigade na madaling araw kanina ng maka-engkwentro ng tropa ng pamahalaan ang nasa 18 kasapi ng BIFF-Bungos faction sa lugar.

“Tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok sa panig ng ating mga kasundaluhan at ng mga teroristang grupo na pinamumunuan ni Khadaffi Abdulatif alias Abu Mukayam, Chief of Staff BIFF-Bungos Faction at ng pangkat ni Andamel Abdulatif alias Mac-Mac mag-aala-una ng madaling araw kanina”, pahayag ni Col. Pangcog.

Matapos nito ay tumakas ang mga teroristang grupo at humalo sa mga sibilyan.

Sa ginawang pagtugis ng mga magigiting na kawal ng pamahalaan, isang bangkay ng kalaban ang natagpuang inabandona ng kanyang mga kasamahan. Narekober naman ng mga sundalo ang isang improvised explosive device (IED). Isang sibilyan naman ang naiulat na sugatan na kinilalang si Utain Kalantungan, 46-anyos na agad namang isinugod sa Integrated Provincial Health Office (IPHO) Maguindanao, sakay sa military vehicle.

Kaugnay nito, iginiit ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, Commander, Major General Roy M Galido na hindi mangingiming durugin at tuluyang pulbusin ng Kampilan troopers ang teroristang grupo na banta sa seguridad sa mga lugar na sakop ng 6ID. “Ang 6ID at JTFC ay umaalok ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagbabalik-loob ninyo sa ating gobyerno. Handa ang pamahalaan na bigyan kayo ng magandang kinabukasan, pero kung patuloy kayo sa paghahasik ng karahasan, pag-aaklas laban sa ating tropa aasahan ninyo ang mas maigting naming pagtugis sa inyo,” ang matapang na pahayag ni 6ID Commander, MGen. Galido.

Matatandaan na nasa (4) apat na mga BIFF ang bumulagta sa mas pinaigting na operasyon ng tropa ng Joint Task Force Central, 154 naman ang nagbalik-loob sa pamahalaan, simula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.

# # #


RELATED ARTICLES
- Advertisment -spot_imgspot_img

Most Popular

Recent Comments